Category Archives: INKBLOTS

AMEN

I. Genesis
Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espirito Santo…
Papuri sa Diyos, papuri sa Diyos, papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan, at sa lupa ay…

Hudyat na nagumpisa na ang misa. Dito na lamang humuhugot ng lakas ang magkapatid matapos ang trahedyang pinagdaanan ng kanilang pamilya. Tatlong buwan na ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa kanilang kaisipan ang bawat eksena. Duguan ang kanilang mga magulang – – – mga taong nagsisigawan ng tulong – – – wangwang ng ambulansya sa di kalayuan. Mabilis ang mga pangyayari. Unit-unting nagdilim ang kanilang mga paningin hanggang sila’y tuluyan nang nawalan ng malay.

Ulila na nga kung ituring matapos ideklarang dead on arrival ang kanilang mga magulang. Dito na magsisimula ang ikalawang yugto na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Kapalit ang mga mata ni bunso na hindi na muling makakaaninag ng liwanag. Ang magkapatid na tanging ang isa’t isa ang kanilang natirang sandalan.

Bunso: Kuya! (habang patuloy sa paghikbi) Huwag mo ‘kong iwan. Natatakot ako.
Kuya Darwin: Wag kang mag-alala, hindi tayo pababayaan ng Diyos. Isipin mo na lagi tayong binabantayan nila Dadi at Mami.
Bunso: Kuya, bakit ito nangyari sa atin? Bakit kina Mami at Dadi pa? (ang paghikbi na nauwi sa hagulgol)
Kuya Darwin: Hindi ko din alam bunso. Tinatanong ko din yan sa kanya ngayon. Tayo na wala namang ginawang masama ay siya ngayong pinaparusahan!

Nag-antanda na ang magkapatid hudyat na tapos na ang misa. Tinahak nila ang daan upang makapagahinga sa kanilang silid. Bahay pa nga bang maituturing ang isang bahay-ampunan, wari nila. Aanhin pa ang panandaliang tahanan kung wala naman nang pamilyang babalikan. Si bunso na bumuo ng sariling kanlungan sa bisig ng kanyang kuya.

“Salamat sa Diyos”.  Binaling nalang sa koro ng magkapatid upang maibsan ang inukit na sakit; mabuti’t parehong may naitagong talento sa pagawit. Pinaghugutan ng lakas ang isa’t isa upang bumangon at ibahin ang kanilang kapalaran. Nagpapasalamat na kahit papaano’y mayroong nagbibigay ng makakain at matutulugan.

Bunso: Kuya, nami-miss ko na sila Dadi at Mami. Gusto ko nang bumalik sa dating buhay natin.
Kuya Darwin: Wag kang magalala bunso. Andito lang ako sa tabi mo.
Bunso: Pero Kuya, paano na tayo nito? Ayaw kong mawalay sayo.
Kuya Darwin: Hindi nila tayo mapa-paghiwalay. Hindi kita iiwanan. Aalagaan kita bunso.
Bunso: Tuparin mo yan kuya ah!

Ngunit tila mapait ang tadhana. Hindi nila inaasahan na darating pa ang araw na kanilang kinakatakutan. Isang pamilyang kukupkop kay bunso. Walang kaso ang kapansanan dahil sa ito ay kaya nilang ipagamot sa isang espesyalista. Bibigyan ng magandang tirahan at tutustusan ang kanyang pag-aaral. Handang ibigay ang buhay na minsan nang ipinagkait sa kanya. Ngunit paano na si Kuya?

Bunso: Aanhin ko ang magandang tahanan kung paghihiwalayin niyo lang kaming magkapatid! Bakit ko pa kakailanganin ang marangyang buhay kung di ko din naman siya makakasama? KUYA, WAG MO KONG IWAN! KUYA, WAG MO AKONG BITAWAN! KUYAAAA!…

II. Exodus
…mabilis na tumakbo sa kawalan na tila hinahabol ng hindi maipintang nilalang. Binalak niyang sumigaw ngunit tila napatid at walang tinig na naihiyaw. Ang kanyang anino na binalot ng kadiliman ang kapiligiran. Bukas ang kanyang mga mata ngunit wala siyang ibang nakikita. Naghahanap ng matataguan ngunit may humablot ng kaniyang kanang kamay. Pilit na nagpupumiglas ngunit…

Isang malalim na paghugot ng hangin. Nagising sa bangungot na binabalutan ng takot. Patuloy ang pagdaloy ng luha. “Tahan na” – sambit ng kanyang kamalayan. Bakat ang patpating katawan sa sandong suot dahil sa lagatak ng pawis. Normal na lamang ang ganitong eksena sa tuwing mapapanaginipan ang malupit na pinagdaanan. Si bunso na patuloy na nakikipagsapalaran sa gitna ng kanyang kapansanan.

Ito na lang ang kinahinatnan ni Bunso; gaya ng ibang pangako na napako. Ang magandang tahanan at marangyang kabuhayan ay inahip at hanggang pangarap na lamang. Ipinagbenta sa matandang dalaga sa halagang apat na libo. Itinapon sa tabi ng simbahan at binigyan ng papag para gawing higaan, gitara para pagkala-kalabitin, at lata panglikom ng barya. Ito na ang kanyang naging tirahan. Patuloy ang pagmamakaawa ngunit ang mga tao ay tila walang tinig na naririnig. Araw-araw na dinadaanan ng mga pari ngunit sila itong pikit-mata na parang walang nakikita.

…bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, at patawarin mo ang aming mga sala. Para lang pagpapatawad namin, sa nagkakasala sa amin…

Parekoy: Musta na?! Madami ka na bang kinita diyan? (sabay alog sa lata)
Bunso: Mukhang marami-rami nadin naman iyan.
Parekoy: Hindi ka pa ata kumakain, kain ka muna nito o (alok ng plastik na hawak-hawak)
Bunso: (humithit sabay ubo) Hindi ka pa ba nagsasawa diyan?
Parekoy: Hindi eh. Mabubusog ka kagad dito. Pantawid gutom din to tol.

Kunin at tanggapin ang alay na ito mga biyayang nagmula sa pagpapala Mo, tanda ng bawat pusong ‘pagkat inibig Mo…ngayo’y nananalig, umaasa, dumudulog, sumasamba, umaawit, nagmamahal,… sa ‘Yo.  Sa kanyang agam-agam, ka-kompitensya pa niya ang simbahan sa twing oras ng pag-aalay. Imbes na sa kanyang lata tataktak ang pera, ihuhulog sa sobre o sa tela ang kakatiting na barya.

* * *

Tahimik ang paligid. Simoy ng usok sa nagdaang sasakyan ang hapunan. Nasaan na nga ba ang Diyos; hindi ba’t nasa loob lang naman ng kanyang tahanan? Kinuha ang rosaryo sa kanyang bulsa at kinapa ang mga bulitas. Hindi na napigilang tumulo ang luha.

Bunso: Diyos ko, bakit niyo naman po ginawa sa akin ito? Walang wala na po ako. Maaring binitawan ako ng kapatid ko pero hindi po ako bumitaw sa inyo. Bakit niyo po ako pinabayaan? Binigyan ninyo nga po ako ng tahanan sa tabi ng simbahan, pero bakit hindi ko po kayo maramdaman? Puro pasakit ng kahirapan ang inalay ninyo sa akin. Bakit po? Bakit?!

Tahanan ng Diyos ngang maituturing ang simbahan, ngunit para kay Bunso, unti-unti nang natutunaw ang kanyang bulag na pananampalataya. Bakit kamo? Madami siyang katanungan ngunit wala ni isa man lamang ang nabibigyan ng kasagutan. Sa kaibuturan ng kanyang kaisipan nakatatak ang konseptong: walang haligi na kayang maging pananggalang sa mang-aahas na satanas at walang ilaw na gagabay patungo sa landas sa itaas. Wala na ngang natira kung hindi ang papag, gitara, at lata.

Tinig ng Kalungkutan: Patay na ang inyong mga magulang. Dadalhin namin kayong magkapatid sa isang bahay-ampunan.
Tinig ng Kalakasan: Bunso, bangon! Hindi nila tayo mapa-paghiwalay. Hindi kita iiwanan. Aalagaan kita.
Tinig ng Mapanlinlang: Sumama ka na sa amin, sige na! Bibigyan ka namin ng magandang kinabukasan.
Tinig ng Mapansamantala: Buhay mo’y akin nang pagmamayari. Diyan sa tabi ng simbahan ang bago mong tahanan. Pagtrabahuan mo ang pagkakabayad ko ng iyong kalayaan.
Tinig ng Temptasyon: Mabubusog ka kagad dito. Pantawid gutom din to tol. Humithit ka na!
Tinig ng Kahirapan: Maawa ka.
Tinig sa Kawalan: – – –

Mabilis na tumakbo na tila hinahabol ng hindi maipintang nilalang. Binalak niyang sumigaw ngunit tila naubos at walang tinig na naihiyaw. Nagtago ang kanyang anino at binalot ng liwanag ang kanyang naaaninag. Binuksan ang mga mata at ngayon ay malinaw na niyang makikita. Naligaw at hindi na magawang bumalik sa pinangalingan ngunit may kasiguraduhan na ang kanyang patutunguhan.

Tumayo ang lahat na hudyat ng pagtatapos ng misa.

…sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espirito Santo.

–oOo–

Ito ay ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2013 sa kategoryang Maikling Kwento.

BILIG

Pagluluksa at kahirapan na lumalamon sa kadiliman,
Pilit na binabaon at ninanais talikuran,
Pikit-matang nakadilat sa mga makasariling pagnanasa,
Sadyang nag-aabang ng kakapiranggot na biyaya.

Siya na iniwan sa kawalan ng kasintahan,
Ignorante at walang muwang sa kadahilanan.
Kasalukuyang yakap ang kanyang pinagdadaanan,
Hinahanap ang kanyang lumisang kapusukan.

Ginawa ang lahat para lamang ito ay matakasan,
Nagpakalunod sa droga para ito ay maibsan,
Siyam na buwan nang naninirahan,
Patay na bata sa kanyang sinapupunan.

Pinagluksaan at naligaw sa kadiliman,
Sadyang nabaon at wala nang dapat talikuran,
Tirik na ang mga mata sa makasariling pagnanasa,
Ito na lang ang naging huling hantungan
Ng kanyang bahay-bata.

–oOo–

Ang posteng ito ay ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2013 sa kategoryang tula.

Saranggola 336x280 dmci homes logo

Dark Haven

Harsh and adrift the streets proffer,
Holding her temporary sanity at risk,
Dimmed by lust and incessant sorrow,
Feeling tensed and queasiness uplift.
 
Left and agitated by her only affection,
Oblivious of his unknown intention,
Embracing her permanent condition,
Yearning for that obsessive passion.
 
Tried her luck for nine long months,
But she has nothing but uncombed,
Injected and dragged by drugs,
Carrying a dead body in her womb.
 
Harsh and adrift the world covers,
Rummaging for her own heaven,
Illumined by lust and wounded sorrow,
Indeed,
Life well hidden inside her dark haven.